
Inihayag ni Department of Health Secretary Teodoro Herbosa na may “mafia” umano sa loob ng Department of Health (DOH) na nasa likod ng mga reklamong isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman.
Binatikos ni Herbosa ang mga tinatawag na “concerned DOH employees” na nagsampa ng mga kaso, kabilang ang pinakahuling reklamo tungkol sa umano’y expired na bakuna at gamot na nagkakahalaga ng ₱1.5 bilyon.
Ayon sa kanya, ang mga naturang empleyado ay bahagi umano ng tinatawag niyang “DOH mafia.”
Sinabi rin niya na natuklasan niya ang katiwalian sa loob ng ahensya at sa halip na habulin agad, inilayo o inilipat niya sa ibang pwesto ang mga sangkot.
Dagdag pa ni Herbosa, ang mga indibidwal na kanyang “quarantined” o nire-assign ay umano’y nagsisikap na pabagsakin siya mula pa noong Hunyo ng nakaraang taon.
Ipinaliwanag din ng kalihim na ang mga bakunang tinutukoy sa reklamo ay bahagi ng hindi nagamit na COVID-19 supplies na binili noong panahon ng pandemya, at aniya, napatunayan na ng Commission on Audit (COA) ang mga dokumentong kaugnay nito.
Gayunpaman, ayon sa reklamo, ang mga expired na bakuna ay para umano sa measles-rubella at tuberculosis, at hindi bahagi ng pandemic procurement.
Sa kabila nito, nananatiling kumpiyansa si Herbosa na mababasura ang mga kaso laban sa kanya, lalo na’t anonymous ang mga nagreklamo.
Aniya, mas magiging matibay ang kaso kung handang magpakilala ang mga ito at ilahad ang kanilang ebidensya nang lantaran.










