
Nag-alok ang Department of Justice ng P1 million na pabuya sa anomang impormasyon na magreresulta sa pag-aresto kay Cassandra Li Ong, na nahaharap sa human trafficking charge sa Pasig Court.
Sinabi ni acting Justice Secretary Frederick Vida, dapat na ang mga impormasyon na ibibigay ay credible na magbibigay-daan para matukoy ang kinaroroonan at tuluyang pag-aresto kay Ong.
Si Ong ay isa sa mga akusado sa kasong human trafficking sa kanyang pagkakasangkot sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub Lucky South 99 at Whirlwind Corporation.
Matatandaan na kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na huling natunton sa bansang Japan ang lokasyon ni Ong ilang buwan matapos makalaya mula sa detention.
Ayon kay PAOCC spokesperson Dr. Winston John Casio, nakalabas si Ong ng Pilipinas bago pa man inisyu ng Pampanga Regional Trial Court ang warrant of arrest laban sa kanya noong Mayo.
Una nang ipinaliwanag ni Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian sa pagdinig sa Senado nitong Biyernes, Nobyembre 21, na lumaya si Ong nang mag-transition mula sa 19th Congress patungong 20th Congress, at bago pa man maisampa ang kaso.
Dahil dito, walang naging ligal na basehan upang ipatupad ang hold departure order (HDO) o pigilan ang kanyang pagbiyahe palabas ng bansa.
Tiniyak naman ng PAOCC na nagpapatuloy ang kanilang koordinasyon sa mga foreign counterpart upang matukoy ang kinarooonan ni Ong at maharap nito ang mga isinampang kaso laban sa kanya










