Ipoproklama pa rin si dating pangulong Rodrigo Duterte kung mananalo siya bilang alkalde ng Davao City.
Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) chair George Erwin Garcia na kung makakakuha ng maraming boto si Duterte kontra sa kanyang katunggali sa halalan sa buwan ng Mayo, kailangan na iproklama siya.
Nilinaw ni Garcia na mananatili ang pangalan ni Duterte sa balota at hindi ituturing na ligaw ang mga boto sa kanya.
Ito ay sa gitna ng pananatili ngayon ni Duterte sa detention unit ng International Criminal Court matapos siyang arestohin dahil sa crimes against humanity dahil sa madugong war on drugs.
Ayon kay Garcia, mananatiling kandidato si Duterte hanggat hindi pa siya nahahatulan.
Kasama ni Duterte sa nasabing pasilidad si dating Kosovo President Hashim Tachi, na naghihintay ng kanyang paglilitis dahil sa war crimes, at ang nahatulan na Bosnian Serb war criminal na si Ratko Mladic, na napatunayang guilty sa genocide sa Bosnia.
Inihain ni Duterte ang kanyang kandidatura bilang mayor ng Davao City noong October 2024, sa pagnanais na muli niyang mabawi ang puwesto na hinawakan niya ng 22 taon.
Makakalaban ni Duyerte sa nasabing posisyon si dating Civil Service Commission chairman Karlo Nograles.
Samantala, naghain naman ng kanyang kandidatura bilang vice mayor ng lungsod ang anak ni Duterte na si incumbent Davao City Mayor Sebastian Duterte.