
Nilinaw ng Malacañang na walang nakikitang direktang banta sa Pilipinas sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ito ang tugon ng Palasyo matapos tanungin tungkol sa bantang pag-atake ng Iran sa mga base militar ng Amerika, at kung may epekto ito sa bansa na may mga Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, batay sa pahayag ng National Security Council, walang American military bases sa Pilipinas.
Anya, ang mga pasilidad sa ilalim ng EDCA ay nananatiling pag-aari at kontrolado ng Armed Forces of the Philippines.
Dagdag pa ng NSC, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang mga kaganapan sa Middle East at sa ngayon ay nananatiling naka.pokus lamang sa naturang rehiyon ang tensyon.
Sinabi rin ng Department of National Defense at ng Armed Forces of the Philippines na wala silang inaasahang direktang banta sa teritoryo ng bansa, maging sa mga Pilipino at dayuhang naririto.
Gayunman, tiniyak ng DND at AFP na nakahanda silang tumugon sa anumang posibleng kaganapan, kabilang ang pagbibigay ng suporta sa paglikas at crisis response kung kakailanganin.
Mariin namang kinokondena ng DND ang pagpapalaganap ng takot sa mga ganitong pagkakataon, kasabay ng paghimok sa publiko na manatiling kalmado at maging mapagmatyag laban sa disinformation.









