Inihayag ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi siya magtatago subalit lalaban siya sa legal na paraan kung sakaling maglalabas ang International Criminal Court ng warrant of arrest laban sa kanya.

Sinabi ito ni Aguirre matapos ang inilabas na Document Containing the Charges (DCC) ng ICC na kasama siya sa pinangalanang co-perpetrators sa mga pagpatay sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa kanya, hihilingin niya sa korte sa bansa na ipagbawal ang paglilitis sa kanya ng ICC dahil naniniwala siya na hindi ito sang-ayon sa batas.

Umaasa si Aguirre na maglalabas ang Korte Suprema ng ruling na maglilinaw sa susunding proseso sa sandaling maglabas ng isa pang warrant of arrest ICC dahil sa marami na umano ang apektado.

Bukod kay Aguirre, kabilang din sa mga pinangalanan ng ICC na kasama ni Duterte sa pagpapatupad ang war on drugs sina Senator Ronald Bato dela Rosa at Christopher Bong Go, at maraming dating hepe ng pulisya.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Aguirre na hindi siya sangkot sa “common plan’ o ang “national network” na alegasyon ng ICC Office of the Prosecutor sa kaso ni Duterte.

Ayon sa kanya, maaaring isinama lang siya sa dokumento para madagdagan ang kredibilidad ng kaso.

Ayon sa prosecution, sa pagitan ng November 2011 at March 16, 2019, may binuo si Duterte at kanyang co-perpetrators na “common plan” o kasunduan para i-nuetralizwe ang mga pinaghihinalaang mga kriminal – kabilang ang mga pinaniniwalaan na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa pamamagitan ng marahas na mga krimen kabilang ang pagpatay.