Pinabulaanan ni dating Philippine National Police chief Gen. Nicolas Torre III na nag-apply siya ng optional retirement, at sinabing may mga kuwestion siya sa umano’y kautusan na kumuha siya ng early retirement.

Idinagdag pa niya na dapat na i-request ang optional retirement, at hindi pwede ang unilateral retirement.

Ayon sa kanya, may lumabas na order pero hindi umano niya alam kung ito ay tunay, hindi rin ito ibinigay sa kanya, at hindi pa niya binuksan ang kanyang email.

Dahil dito, sinabi ni Torre na pag-uusapan at aayusin nila ito sa susunod na mga araw o linggo.

Matatandaan na tinanggal sa kanyang puwesto si Torre bilang PNP chief nitong buwan ng Agosto, wala pang tatlong buwan nang siya ay maupo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa paliwanag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, tinanggal si Torre sa kanyang puwesto matapos na balewalain ang resolusyon mula sa National Police Commission na humarang sa kanyang kautusan na i-reassign ang ilang PNP offcials kabilang ang pumalit sa kanya na si PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Samantala, batay sa PNP resolution, nakasaad na ang optional retirement ni Torre ay nagkabisa noong December 26, 2025, matapos na italaga siya bilang general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).