Sinentensyahan ng mahigit apat na taong pagkakakulong ang isang Pilipino matapos mapatunayang gumamit ng mga ninakaw na identidad ng mga mamamayan ng Estados Unidos upang makasakay sa cruise ship patungong Alaska, ayon sa US Attorney’s Office sa Alaska.

Kinilala ang akusado na si 38-anyos na Enrico Ronquillo, na napatunayang nagkunwaring US citizen at gumamit ng pekeng dokumento nang sumakay sa cruise ship sa Seattle noong Mayo 11, 2025.

Ayon sa ulat, gumamit si Ronquillo ng pekeng California driver’s license at birth certificate na naglalaman ng personal na impormasyon ng isang biktima.

Natuklasan din na gumawa siya ng pekeng IRS Form W-9 na may pangalan, lagda, address, at Social Security number ng isa pang biktima.

Nadiskubre ang kanyang mga paglabag nang inspeksyunin ng US Customs and Border Protection ang barko pagdating nito sa Juneau, Alaska noong Mayo 14, 2025, kung saan narekober ang mga pekeng dokumento.

-- ADVERTISEMENT --

Lumabas din sa imbestigasyon na gumamit siya ng credit card na pag-aari ng iba upang makakuha ng pera habang nagsusugal sa casino ng barko.

Noong Pebrero 19, 2026, umamin si Ronquillo sa kasong false impersonation of a US citizen at aggravated identity theft.

Bukod sa pagkakakulong ng higit apat na taon, inatasan din siyang magbayad ng mahigit $25,000 bilang restitution sa mga biktima at sumailalim sa isang taong supervised release.

Matapos ang kanyang sentensya, haharap din siya sa deportation proceedings at inaasahang pauuwiin sa Pilipinas.