
Ligtas umano ang Filipino crew members na sakay ng dalawang barko na inatake sa Persian Gulf malapit sa Strait of Hormuz, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na tinamaan ng projectiles o hindi matukoy na bagay ang tatlong barko sa nakalipas na 48 oras, subalit dalaw lamang sa barko ang may lulan na Filipino crew members.
Ayon kay Cacdac, ang isang barko ay may 21 Filipino crew, habang ang isa pa ay may 17 Filipino crew, at lahat sila ay ligtas.
Sinabi niya na inililipat na ang mga ito sa ligtas na port.
Ayon kay Cacdac, patuloy na minomonitor ng Department of Migrant Workers (DMW) ang sitwasyon ng Filipino seafarers sa Middle East region sa gitna ng mga tensyon na nakakaapekto sa maritime routes sa Persian Gulf.
Sinabi niya na may 7,313 Filipino seafarers ang kasalukuyang nasa Middle East ay minarkahan naman sila na “safe” sa ngayon.
Nanawagan din siya sa shipowners at manning agencies na protektahan ang Filipino seafarers at respetohin ang kanilang karapatan na tumanggi sa deployment sa mapanganib na lugar.










