Nabigyan ng libreng internet access ang ilang pampublikong paaralan sa mga malalayong lugar sa ilalim ng Digital Bayanihan Project, bahagi ng “Free WiFi for All” program ng pamahalaan.
Layunin ng proyekto na palawakin ang digital access sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) upang masiguro ang pantay-pantay na oportunidad sa edukasyon para sa mga estudyante at guro.
Pinangunahan ito ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Education (DepEd) bilang tugon sa lumalalang pangangailangan para sa digital learning, lalo na sa mga lugar na dati’y walang koneksyon sa internet.
Kabilang sa mga napasama sa inisyatiba ang mga paaralan mula sa Ilocos Norte, Batanes, Bulacan, Quezon, Marinduque, Camarines Sur, Cebu, Leyte, Tawi-Tawi, at iba pang rehiyon.
Bukod sa internet connectivity, ang ilang paaralan gaya ng Datu Saldong Domino Elementary School sa Agusan del Norte ay nakatanggap din ng solar power, tablets, smart TVs, at iba pang digital learning tools mula sa National Electrification Administration at FDC Misamis Power Corporation.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kapag kinokonekta ang mga paaralan, kinokonekta rin ang mga estudyante sa mas magandang kinabukasan.
Tiniyak naman ni DICT Secretary Henry Aguda na target ng ahensya na maikonekta ang lahat ng pampublikong paaralan sa internet bago matapos ang 2025.
Sa pamamagitan ng Free Public Internet Access Program, Bayanihan SIM, at tuloy-tuloy na infrastructure deployment, patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang digital inclusion sa ilalim ng Bagong Pilipinas campaign.