
Iginiit ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na dapat tiyakin ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga residente ng Kalayaan Island Group (KIG) na hindi sila kailanman pababayaan, kasunod ng pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na dapat na lamang itong “i-give up.”
Ayon kay Carpio, may karapatan ang mga mamamayan ng KIG na marinig mula sa gobyerno na sila ay poprotektahan, lalo’t nasa sensitibo at pinagtatalunang lugar ang kanilang munisipalidad.
Hindi rin aniya akma na sabihing walang West Philippine Sea (WPS) sa ilalim ng batas ng Pilipinas, lalo na kung manggagaling ito sa isang senador.
Tinanggap ni Carpio ang hamon ni Marcoleta na magdebate upang patunayan na may legal na batayan ang pag-angkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea at upang tiyakin sa mga taga-Kalayaan na sila ay bahagi ng bansa at hindi dapat isuko ang kanilang teritoryo.










