
“Good luck!”
Ito ang maiksing mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Vice President Sara Duterte matapos mag-anunsiyo ng kanyang pagtakbo sa 2028 presidential elections.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na nadinig mismo ng Pangulo ang pahayag ni VP Sara at isang maiksing good luck lamang ang sinabi nito.
Narinig din umano ng Pangulo ang paghingi ng kapatawaran ng Bise Presidente dahil tinulungan si Marcos sa kampanya noong 2022.
Giit ni Castro, ang taumbayan ang naghalal kay Pangulong Marcos at pareho naman silang nagtulungan dahil ito ay UniTeam kaya hindi dapat solohin ni VP Sara ang kredito kung nanalo man ang Pangulo.
Nakikita rin naman anya ng taumbayan ang isang working President kumpara sa Bise Presidente.
Sinagot din ni Castro ang pahayag ni VP Sara na ‘di niya kinayang maging bahagi ng 2025 budget na tadtad ng katiwalian kaya umalis siya sa gabinete.
Sinabi ni Castro na ang dapat na mauna na ihingi ng tawad ni Duterte ay ang paglulustay niya ng confidential funds ng kanyang opisina, ang office of the Vice Presidente at Department of Education.
Idinagdag pa ni Castro na kung mayroon aniyang napipintong impeachment, ito ay dahil sa kagagawan mismo ng Bise Presidente dahil kung wala naman anya siyang ginawa na mga maanomalya at labag sa konstitusyon, hindi naman ito masasampahan ng mga impeachment complaints.










