Sinimulan na ngayong araw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang pamamahagi ng P5K cash relief assistance sa tinatayang 23,246 na lehitimong driver ng pampublikong utility vehicle (PUV), partikular na ang mga tricycle drivers sa Cagayan Valley.

Ayon kay DSWD RO2 Director Lucia Alan, layunin ng programa na matulungan ang mga drayber na naapektuhan ng mataas na presyo ng langis at inflation, upang masuportahan sila sa gastusin sa gasolina at pang-araw-araw na pangangailangan.

Sakop ng programa ang mga tricycle drivers at operators na nagmamaneho rin sa lungsod ng Tuguegarao, Cagayan; Ilagan, Cauayan, at Santiago sa Isabela.

Ang mga listahan ng benepisyaryo ay mula sa mga Local Government Units at sumailalim sa maingat na beripikasyon at deduplication ng DSWD upang matiyak na ang mga tatanggap lamang ay mga rehistradong drayber.

Kinakailangang magpakita ng orihinal na valid driver’s license at photocopy nito ang mga benepisyaryo upang makuha ang ayuda.

-- ADVERTISEMENT --

Ang payout ay nagsimula ngayong alas 6:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa mga itinalagang lugar tulad ng mga gym o community centers sa bawat lungsod at barangay.

Hinimok ni Alan ang mga benepisyaryo na personal na dumalo nang walang kasamang pamilya upang maiwasan ang pagsisikip.

Bagamat nakatakdang matapos ang payout ngayong araw subalit papayagan ang extension hanggang Biyernes, April 10 para sa mga hindi makakadalo dahil sa makatuwirang dahilan gaya ng pagkakaospital.

May nakatalaga ring mga grievance officers sa mga payout venues upang tugunan ang mga reklamo o isyu.