
Sinabi ni Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros nitong Lunes na bukas siyang tumakbo bilang pangulo o bise presidente sa halalan ng 2028 kung siya ang mapipili ng nagkakaisang oposisyon.
Sa isang press conference, iginiit ni Hontiveros na handa siyang gampanan ang anumang papel upang mabuo ang isang nagkakaisang oposisyon na may malalakas at kapani-paniwalang kandidato sa darating na halalan.
Ayon sa senadora, matagal na niyang paninindigan na ang oposisyon ay kailangang magkaisa upang makapag-alok sa taumbayan ng pinakamalakas at pinakakredibleng kandidato sa 2028.
Nang tanungin kung isinasalang pa rin bilang posibleng standard bearer ng oposisyon si dating Bise Presidente at kasalukuyang alkalde ng Naga City na si Leni Robredo, sinabi ni Hontiveros na hindi mahalaga sa ngayon ang mga indibidwal na pangalan.
Para sa kanya, mas mahalaga ang pagkakaisa ng lahat ng sektor ng oposisyon.
Tinalakay rin ni Hontiveros ang posibilidad na makipag-ugnayan ang mga grupong kaalyado ng administrasyong Marcos sa oposisyon bago ang halalan.
Gayunman, nilinaw ng senadora na hindi lamang sa kanila kundi sa sinumang grupo sa labas ng oposisyon o ng mga Kakampink, ang magiging batayan ng anumang posibleng pagkakaisa ay ang pagkakaroon ng sapat na pagkakapareho ng mga pinahahalagahang prinsipyo at paniniwala.










