Inaprubahan ng House of Representatives sa third at final reading ang House Bill 8464 na naglalayong alisin ang travel tax, nitong Lunes sa plenary session.

Sa botohan, 257 miyembro ang bumoto pabor, isa ang tutol, at isa ang abstention.

Ayon kay Kabataan party-list Representative Renee Co, bumoto siya ng “yes with reservations” dahil 40 porsyento ng kasalukuyang travel tax ay napupunta sa Commission on Higher Education.

Binanggit niya na responsibilidad ng estado ang edukasyon, kaya nararapat lamang na taasan ang pondo para rito sa halip na ipasa sa mamamayan sa anyo ng buwis.

Nakasaad sa panukala na ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority at Department of Budget and Management ang magbibigay ng implementing rules and regulations.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang ang paglipat sa bagong pondo para sa mga programang kasalukuyang pinopondohan ng travel tax, tulad ng mga proyekto ng TIEZA at CHED, batay sa General Appropriations Act.

Kasabay ng pag-apruba sa HB 8464, inaprubahan rin ng Kamara ang iba pang panukalang batas na may kinalaman sa pagpapalawak ng Tertiary Education Subsidy, regulasyon ng digital payment systems sa gobyerno at mga mangangalakal, institutionalization ng Presidential Merit Scholarship Program, at alokasyon ng hindi bababa sa 25 porsyento ng budget ng ahensya at lokal na pamahalaan para sa furniture at fixtures na gawa sa engineered bamboo at bamboo-based commodities.