
Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang panukalang itaas mula ₱250,000 tungong ₱350,000 ang taunang kita na hindi papatawan ng income tax.
Ang House Bill 10345 ay inakda nina House Speaker Francisco “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chairperson Miro Quimbo, layunin ng panukala na mabawasan ang buwis na binabayaran ng mga manggagawa at maprotektahan ang kanilang purchasing power.
Sinabi naman ni Finance Undersecretary Karlo Adriano na kapag naisabatas, madaragdagan mula 5.1 milyon tungong 6.35 milyon ang mga compensation worker na exempted sa income tax.
Samantala, iginiit ni House Assistant Minority Leader Sarah Elago na dapat pang itaas sa ₱500,000 ang tax-free threshold dahil nananatiling mataas ang presyo ng pagkain, langis at kuryente.








