
Tatalakayin ng House Committee on Justice ang posibilidad na tanggihan ang pagpasok ng dalawang abogado bilang bahagi ng depensa ni Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa bise presidente.
Ayon kay Terry Ridon, kinatawan ng Bicol Saro Party-list at miyembro ng komite, pag-uusapan ng panel kung papayagan ang entry of appearance nina Michael Poa at Reynold Munsayac bilang mga abogado ni Duterte sa naturang kaso.
Sa isang news forum sa Quezon City nitong Sabado, iginiit ni Ridon na posibleng magkaroon ng conflict of interest sa pagsama ng dalawang abogado sa defense team ng bise presidente.
Ipinaliwanag ng mambabatas na si Poa ay dating tagapagsalita ng Department of Education (DepEd) noong panahon na kalihim pa ng kagawaran si Duterte, habang si Munsayac naman ay nagsilbing spokesperson ng Office of the Vice President at assistant secretary for procurement.
Dahil sa kanilang dating mga tungkulin sa mga tanggapan na pinamunuan ni Duterte, sinabi ni Ridon na may mga seryosong usaping etikal at procedural na kailangang linawin bago sila payagang maging bahagi ng depensa sa impeachment proceedings.
Sinabi pa ng mambabatas na may umiiral na conflict na dapat suriin kung papayagang maging bahagi ng depensa ang dalawang abogado.
Inaasahan namang tatalakayin ng komite ang usapin sa mga susunod na pagdinig kaugnay ng impeachment case laban sa bise presidente.









