Nakatakdang simulan ng International Criminal Court (ICC) ngayong araw, Pebrero 23 ang apat na araw na confirmation of charges hearing para sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nilinaw ni ICC spokesperson Oriane Maillet na ang prosesong ito ay isang pre-trial hearing at hindi pa mismo ang trial o paglilitis.

Sa yugtong ito, susuriin lamang ng mga pre-trial judge kung sapat ang iprinesentang ebidensya upang ituloy ang kaso sa aktwal na paglilitis, at hindi pa rito pagpapasyahan kung inosente o guilty ang dating pangulo.

Bagaman karaniwang hindi pinapayagan ng ICC ang paglilitis nang wala ang akusado, pinagbigyan ng Pre-Trial Chamber I ang kahilingan ni Duterte na hindi dumalo sa naturang hearing dahil sa usaping pangkalusugan.

Sa loob ng apat na araw, pakikinggan ng mga hukom ang mga argumento mula sa prosekusyon, depensa, at mga legal na kinatawan ng mga biktima ng kontrobersyal na kampanya kontra-droga.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos ang serye ng mga pandinig, magkakaroon ang mga hukom ng 60 araw upang suriin ang lahat ng ebidensya at testimonya na basehan upang iakyat sa trial ang mga sakdal laban kay Duterte.