Naniniwala si Senate Majority Leader Francis Tolentino na kakayaning tapusin ang imepachment trial laban kay Vice President Sara Duterte hanggang sa June 30.
Ayon kay Tolentino, inaral niya ito at posibleng matapos ng Senado ang paglilitis at makapagbaba ng desisyon sa huling araw ng buwan.
Sa inilatag na expedited impeachment ng senador, June 11 ay itatatag na ang impeachment court at bibigyan ng sampung araw para sumagot ang respondent na si VP Sara; June 22 ay magre-reply naman ang prosecutors; June 23 ay isusumite ang trial brief na susundan ng opening statement sa hapon; June 24 at 25 presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon; June 25 at 26 ay presentation naman ng depensa; June 27 rebuttal sa pagitan ng prosecution at defense; June 28 bibigyan ng isang oras ang bawat panig para sa oral arguments; June 29 closed-door meeting ng impeachment court; at June 30 ay magbababa sila ng hatol.
Pero para magawa ang schedule na ito ay kailangan ng kooperasyon ng prosekusyon sa pamamagitan ng paglimita o pagbawas ng articles of impeachment mula sa pito sa dalawa para mapabilis ang proseso ng impeachment trial.
Pinayuhan ni Tolentino na maaaring piliin ng prosekusyon ang kaso na sa tingin nila ay mayroon silang mabigat na ebidensya.
Naniniwala kasi ang senador na pagsapit ng June 30 ay functionally dismissed na ang impeachment case at hindi na ito maaaring tumawid sa 20th Congress.