
Patuloy ang palitan ng pag-atake ng Iran at Israel habang tumatanggi ang Iran sa panukalang tigil-putukan bago ang itinakdang deadline ni US President Donald Trump.
Tinanggihan ng Iran ang alok na ceasefire na sinusuportahan ng Estados Unidos, na may kasamang pagbubukas muli ng Strait of Hormuz at kasunod na usapang pangkapayapaan. Sa halip, naglatag ang Tehran ng sariling kundisyon kabilang ang pagtigil ng mga labanan sa rehiyon, pag-alis ng sanctions, at muling pagbangon ng mga apektadong lugar.
Nagbabala si US President Trump na maaaring wasakin ang imprastraktura ng Iran, kabilang ang mga power plant at tulay, kung hindi ito susunod sa kanyang mga hinihingi bago ang deadline.
Samantala, sinabi ng militar ng Israel na nagsagawa ito ng airstrikes laban sa mga target ng pamahalaan ng Iran, habang patuloy naman ang pagpapakawala ng missiles mula sa Iran.
Apektado rin ang ibang bansa sa rehiyon, kabilang ang Saudi Arabia, na nakaranas ng mga pag-atake gamit ang missiles at drones. Naglabas din ng public safety alerts ang United Arab Emirates at Bahrain.
Nagtaas ng pangamba sa buong mundo ang sitwasyon, lalo na sa suplay ng langis, matapos manatiling sarado ang Strait of Hormuz—isang mahalagang daanan ng halos ikalimang bahagi ng global oil at gas supply.
Sa gitna ng tumitinding sigalot, libo-libong katao na ang nasawi sa Middle East, kabilang ang mahigit 3,500 sa Iran at halos 1,500 sa Lebanon.










