Nahukay ang isang kalansay ng isang nasawing miyembro ng New People’s Army (NPA) at mga gamit nito sa kabundukang bahagi ng Sitio Suksok, Brgy. Mabuno, Gattaran, Cagayan nitong Miyerkules, Enero 15, 2025.
Kinilala ni Major Ed Rarugal Executive officer 5th infantry division ph army ang kalansay na si alyas Siray, residente ng Zone 04, Barangay Carupian, Baggao Cagayan, at miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG).
Ayon kay Rarugqal, nakatanggap umano sila ng impormasyon mula sa isang dating rebelde na may nakalibing sa nasabing lugar.
Agad aniyang pinuntahan ang lugar at dito na nahukay ng mga pinagsanib na pwersa ng kapulisan at kasundaluhan ang kalansay ni alyas Siray.
Aniya, nakilala ng nagbigay ng impormasyon si alyas “Siray” matapos silang sumali sa Underground Movement (UGM) noong 2001.
Nasawi umano si Siray taong 2004 sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga miyembro ng NPA at mga kasundaluhan at inilibing na lamang siya sa lugar kung saan nahukay ang kanyang kalansay.
Bukod pa sa mga butong nahukay ay natagpuan din ng mga otoridad ang sampung piraso ng bala ng 7.62 mm, isang bandolier, isang magasin ng M14, dalawang baterya, isang handheld Motorola Icom, isang pares ng rainboot, at mga damit na pagmamay-ari ni alyas “Siray”.
Sa ngayon ay dinala na sa Barangay Hall ng Brgy. Mabuno sa nasabing bayan ang mga kalansay at iba pang gamit na natagpuan para sa tamang disposisyon ng mga ito.