Magsasagawa ng congressional briefing ang House of Representatives kaugnay sa kaligtasan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa gitna ng patuloy na pag-atake at tensyon sa Middle East.

Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, ipinag-utos ni Speaker Faustino Dy III sa House Committees on Foreign Affairs at Overseas Workers Affairs na magsagawa ng joint briefing sa Marso 11.

Layunin ng briefing na suriin ang kasalukuyang sitwasyon sa rehiyon at ang kahandaan ng pamahalaan na tumulong sa mga apektadong OFW kung kinakailangan.

Iimbitahan sa pagpupulong ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW), upang magbigay ng ulat tungkol sa bilang ng mga apektadong OFW, seguridad sa mga lugar na may tensyon, at mga contingency plan ng gobyerno.

Samantala, sinabi ng DMW na nasa 81 stranded OFWs na ang nakabalik sa Pilipinas matapos ang palitan ng air strikes sa pagitan ng Estados Unidos, Israel at Iran sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --