Pinuna ng defense counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufmann ang umano’y hindi kumpletong paglalahad ng prosekusyon sa mga talumpati ng dating pangulo, na ayon sa kanya ay hindi maaaring gamiting batayan upang patunayan ang criminal intent.

Sa ikatlong araw ng confirmation of charges hearing sa kasong crimes against humanity, tinukoy ng depensa ang ikalawang talumpating ginamit ni ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang sa kanyang opening statement.

Ayon sa kampo ni Duterte, piling bahagi lamang ng talumpati ang ipinrisinta ng prosekusyon, partikular ang bahagi kung saan sinasabing inako ng dating pangulo ang responsibilidad at nangakong poprotektahan ang mga “rogue officers” mula sa prosekusyon.

Iginiit ng depensa na may mahalagang bahagi ng talumpati na hindi isinama. Ipinakita umano ng abogado ang karugtong na pahayag kung saan iniuutos ng dating pangulo sa mga awtoridad na unahin ang mapayapang pag-aresto.

Binigyang-diin ng kampo ni Duterte na bagama’t kilala ang dating pangulo sa matapang na pananalita, malinaw umano sa kabuuang konteksto ng kanyang direktiba na pinahihintulutan lamang ang paggamit ng puwersa sa ilalim ng lawful self-defense, lalo na kung may violent resistance na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga pulis.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, iginiit ng depensa na walang patunay ng criminal intent sa naturang mga pahayag.