TUGUEGARAO CITY-Sinampahan na ng kasong murder ang isang lalaki matapos mapatunayan ng mga otoridad na siya ang pumatay at nagtapon sa bangkay ng isang babae sa lungsod ng Tuguegarao, kamakailan.

Ayon kay Pltc Jhonalyn Tecbobolan, hepe ng PNP-Tuguegarao, inamin mismo ng suspek na si Reynaldo Dizon,35-anyos ng Pattaui street, Brgy. Ugac Norte ang pagpatay sa biktima na si Roselie Raranan, 29-anyos, residente ng Brgy. Cataggaman Pardo sa lungsod.

Aniya, batay sa kanilang pakikipanayam sa suspek, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nina Roselie at Reynaldo nang hingan umano ng biktima ang suspek ng pera.

Dahil dito, nagdilim ang patingin ng suspek kung kaya’t kanyang nagawa ang pananaksak na dahilan ng agarang pagkamatay ng biktima.

Sinabi ni Tecbobolan na inamin din ng suspek na mag-isa lamang niyang isinagawa ang pagpatay at siya rin ang nagdala sa bangkay ng biktima sa gilid ng kalsada matapos niya itong mapatay.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na magkaibigan lamang ang dalawa kung saan madalas umanong pumupunta ang biktima sa bahay ng suspek.

Una rito, natunton ang kinaroroonan ng suspek sa tulong din ng kanilang kaibigan dahil kanila umanong inihatid ang biktima sa bahay ng suspek ng gabing mangyari ang krimen.

Dagdag pa ni tecbobolan na batay sa kanilang imbestigasyon, walang anumang masamang record ang suspek sa kanilang barangay ngunit sinabi umano ng kanyang pamilya na may kakulangan ito sa pag-iisip .