Iginiit ng defense lawyer ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Nicholas Kaufman na walang partikular na utos mula sa dating Pangulo para pumatay ng mga drug suspects sa panahon ng anti-illegal drugs campaign.

Ginawa ni Kaufman ang pahayag sa pagpapatuloy ng confirmation of charges hearing ngayong Pebrero 26, kaugnay sa kaso ni Duterte sa crimes against humanity dahil sa umano’y pagpatay sa anti-drug operations noong panahon niya bilang alkalde ng Davao City at Pangulo ng Pilipinas.

Ayon kay Kaufman, walang matibay na ebidensya o testigo na magpapatunay na si Duterte mismo ang nag-utos sa alinman sa 49 na insidenteng isinampa sa kanya.

Pinuna rin niya ang alegasyon ng prosekusyon na sinasabing naglunsad si Duterte ng pag-atake sa buong populasyon batay sa polisiya kontra droga.

Ipinunto ni Kaufman na maliit lamang ang bilang ng namatay kumpara sa mga naaresto at sa kabuuang operasyon ng state forces.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa datos ng ICC Prosecution mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasa 5,281 ang napatay sa unang dalawa’t kalahating taon ng presidency ni Duterte.

Ngunit ipinakita ni Kaufman ang chart na nagpapakita na 97% ng mga drug personalities ay naaresto, at 3% lamang ang binawian ng buhay mula Hulyo 2016 hanggang Pebrero 29.