Sugatan ang dalawang indibidwal matapos sumalpok ang sinasakyan nilang kolong-kolong sa kasalungat na bus sa Brgy. Magapit, Lallo, Cagayan.
Ayon sa Lal-lo Police Statiion, agad na isinugod sa ospital ang dalawang pasahero ng kolong-kolong matapos silang magtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Batay sa paunang imbestigasyon, pinaghihinalaang nasa ilalim ng impluwensya ng nakalalasing na inumin ang 38-anyos na driver ng kolong-kolong.
Napag-alaman din na ang bus ay papuntang Manila habang ang kolong-kolong naman ay patungong Allacapan.
Nang marating ng kolong-kolong ang lugar ng insidente, bigla nitong tinahak ang kabilang linya, dahilan upang mabangga nito ang paparating na bus.
Kasalukuyan pang isinasagawa ng mga awtoridad ang masusing pagsisiyasat upang matukoy ang iba pang detalye ng aksidente.
Sa kasalukuyan, nagpapagaling na sa ospital ang mga nasugatan at inaasahang magkakaroon ng pag-uusap para sa isang maayos na kasunduan.