Ligtas ang dalawang sakay ng isang kotse na nahulog sa ilog mula sa Pinacanauan overflow bridge sa Tuguegarao City kaninang pasado 3:00 a.m.

Sinabi ni PLT Rosemarie Taguiam, information officer ng PNP Tuguegarao, batay sa pagtatanong sa driver ng kotse na isang babae, naidlip umano siya habang nagmamaneho kaya nahulog ang sasakyan sa ilog.

Nagtamo lamang ng minor injuries ang dalawang sakay ng kotse na agad din na nakauwi sa kanilang mga tahahan matapos silang dinala sa ospital.

Ayon sa driver, pagkatapos ng kaniyang trabaho, nagkayayaan sila ng kanyang kaibigan na kumain sa isang fastfood, at pagkatapos nito ay pumunta sila sa isang coffee shop sa Barangay Namabbalan.

Sinabi niya na pabalik na sila sa poblacion at ihahatid sana ng driver ang kanyang kaibigan ay nakaidlip umano siya habang nagmamaneho.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, mabuti na lamang at agad silang nakalabas sa sasakyan at agad na nakaahon mula sa tubig.

Samantala, naiahon na rin ang kotse mula sa tubig na nagtamo ng malaking pinsala.