
Naiuwi na ng pamilya ang labi ng nasawing NPA member sa nangyaring sagupaan sa pagitan ng NPA at militar kamakailan sa Pinukpuk, Kalinga.
Kinilala ang nasawing NPA na si Vicente Daligdig Alyas Kumander Changli, na tinatayang nasa 25-30 ang edad at Vice Team Leader ng Platoon UNO ng Ilocos-Cordillera Regional Committee ng CPP-NPA na may operasyon sa lalawigan ng Kalinga..
Ayon kay Lt. Col. Melvin Asuncion, Officer-in-Charge ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division, Philippine Army, ulilang lubos na sa magulang si Daligdig kung saan mga kapatid at ibang kamag-anak ang kum,uha sa bangkay nito nang maibaba sa kabundukan.
Batay sa kwento ng kanyang mga kamag-anak, 2007 pa nang hinikayat nila si Daligdig na magbalik loob sa pamahalaan.
Samantala, nasa maayos nang kondisyon ang dalawang sundalo na nasugatan sa nangyaring anim na engkwentro na nagsimula pa noong November 21.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang hot pursuit operation laban sa nalalabing miyembro ng NPA na tumakas.
Nasa kabuuang apat naman na high powered firearms, kabilang na ang mga granada, bandoliers at ilang bala at mga personal na kagamitan ng makakaliwang grupo ang narekober ng militar sa ibat-ibang encounter site.










