Iniimbestigahan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson ang umano’y sabwatan na may kaugnayan sa ilang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong 2022.

Ayon kay Lacson, sangkot umano sa isyu ang isang miyembro ng Commission on Appointments (CA) panel at si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Sinabi ng senador na may kinalaman ito sa listahan ng mga flood control at iba pang infrastructure projects ng DPWH na umano’y ini-request ng nasabing miyembro ng CA panel.

Batay sa impormasyong ibinigay ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, sinabi ni Lacson na posibleng may kaugnayan ang isyu sa confirmation hearing ni Bonoan bilang kalihim ng DPWH noong huling bahagi ng 2022.

Ayon kay Lacson, may ulat na ginamit umano ang confirmation process sa Commission on Appointments upang magkaroon ng naturang transaksyon.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ng senador, kanyang ibeberipika ang mga impormasyong natanggap, kabilang ang ulat na ang naturang request ay mula sa panel ng House of Representatives noong panahong iyon.

Samantala, patuloy na sinusuri ng team ni Lacson ang ilang flood control projects, kabilang ang mga proyekto sa Metro Manila. Isa sa mga ito ang proyekto kung saan umano’y lalo pang lumala ang pagbaha matapos maitayo ang isang pumping station.

Binigyang-diin ni Lacson na kung mapatunayang substandard o ghost project ang mga ito, magrerekomenda ang Blue Ribbon Committee sa mga kinauukulang ahensya na magsampa ng kaso laban sa mga responsable.