
Nasawi ang isang lalaki matapos barilin habang kinukuhanan ng video ang isang mainitang pagtatalo sa isang solar farm sa General Tinio, Nueva Ecija.
Batay sa ulat, nag-ugat ang insidente noong gabi ng Pebrero 15 dahil lamang sa reklamo sa mabahong amoy ng isang banyo sa lugar.
Ang biktima, na nagsisilbing installer ng solar panels, ay tinamaan ng bala sa tiyan at binti habang nagre-record ng komprontasyon sa pagitan ng kaniyang grupo at ng grupo ng suspek na mga subcontractor naman sa proyekto.
Sa gitna ng kaguluhan, narinig pa sa video ang pagsigaw ng biktima ng humihingi ng saklolo matapos mabaril.
Agad siyang isinugod sa isang lokal na ospital sa General Tinio, ngunit binawian din ng buhay habang inililipat sa ospital sa Cabanatuan City.
Ayon kay General Tinio Police Chief Shariel Paulino, lumalabas sa imbestigasyon at pahayag ng mga saksi na ang grupo ng biktima ang unang lumapit at nanita sa grupo ng suspek, na nagdulot umano ng kaba o takot sa panig ng suspek kaya ito bumunot ng baril.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek gamit ang isang pickup vehicle na pag-aari ng kaniyang kasamahan.
Noong Pebrero 16, natagpuan ng mga awtoridad ang inabandonang sasakyan sa Santa Rosa, kung saan nakuha rin ang ilang basyo ng bala.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya laban sa tumakas na suspek na nahaharap sa kasong murder, habang tinitiyak din kung lisensyado ang ginamit na armas.










