Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang rehistradong may-ari at driver ng isang truck matapos kumalat ang video kung saan makikitang isang bata ang umano’y nagpapatakbo ng concrete mixer.

Ayon sa LTO, nagsagawa ito ng show cause order at administrative investigation matapos makita ang viral video na ibinahagi sa social media. Pinapaharap ang mga sangkot sa Abril 13 at inatasang magsumite ng paliwanag.

Posibleng maharap ang mga ito sa kasong reckless driving at paglabag kaugnay ng kaligtasan ng bata. Sinabi rin ng ahensya na maaaring masuspinde o tuluyang bawiin ang lisensya ng driver.

Samantala, inilagay sa 90 araw na preventive suspension ang lisensya ng driver at may-ari, habang naka-alarm status ang truck habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.