TUGUEGARAO CITY-Patay ang mag-ama habang dalawa ang sugatan matapos masangkot sa vehicular accident sa bayan ng Camalanuigan, Cagayan.

Kinilala ang mag-amang namatay na sina Inosencio Fermin Sr, 63-anyos at Jr – 21-anyos kapwa residente ng Brgy. Fula, Buguey habang kinilala naman ang mga sugatan na sina Prince Jay Columna at Juliet Miranda.

Ayon kay Police Lt. Ma. Teodora Cabral, Chief of Police ng PNP-Camalanuigan, kasalukuyang binabaybay ng pick-up truck na minaneho ni Ernesto Rabit Jr. kasama sina Alex at Juliet Miranda pawang residente ng Brgy. Leron, Buguey ang kahabaan ng Brgy.Cullit, Camalanuigan nang masilaw sa kasalubong na sasakyan.

Dahil dito, hindi nito napansin ang sinusundang kuliglig na sanhi ng pagkabangga.

Nagtamo ng malubhang sugat si Fermin Jr. na idineklarang dead-on-arrival ng umasikasong duktor habang namatay naman ang kanyang ama habang ginagamot.

-- ADVERTISEMENT --

Sugatan din ang isa pang sakay ng kuliglig na si Columna at si Miranda na sakay naman ng pick-up.

Nabatid na walang reflectorized ang kuliglig kung kaya’t hindi ito napansin ng driver ng pick-up.

Sa ngayon, pansamatalang nakalaya ang driver ng pick up na si Rabit Jr. matapos ang reglementary period of detention./ with reports from Bombo Efren Reyes Jr.