TUGUEGARAO CITY- Iniimbestigahan ng PNP ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin sa pamamaril-patay sa mag-asawa sa bayan ng Aparri, Cagayan.

Sinabi ni PCAPT. Isabelita Gano, information officer ng PNP Cagayan na nasa lugar ngayon ang mga imbestigador at nagsasagawa ng pagtatanong sa mga kamag-anak at mga kakilala ng mag-asawa na sina Samuel, 73 anyos at Teresita Soliven, 69 anyos ng Brgy. Maura upang makakuha ng impormasyon sa posibleng motibo sa pagpatay.

Ayon kay Gano, sa paunang pagsisiyat, galing ang mag-asawa sa kanilang simbahan sakay ng kolong-kolong kagabi kasama ang isa pa at ng malapit na sila sa kanilang bahay ay may nag-overtake sa kanila na motorsiklo sakay ang dalawang katao at biglang pinagbabaril ang mag-asawa.

Dahil sa pamamaril ay bumangga ang sinakyan ng mga biktima sa pader ng sementeryo.

Sinabi ni Gano na ang target ng mga salarin ay ang mag-asawa dahil walang tama ng baril ang kasama nila na sakay sa sidecar.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Gano, walang makuhang impormasyon mula sa CCTV na malapit sa crime scene dahil sa malabo ang kuhang footage dahil sa may bahagyang sira ito at malakas din ang ulan kagabi.

Nabatid pa mula kay Gano na ang may negosyo ang mag-asawa pagpapautang.