Huli ang dalawang hindi pinangalanang magkapatid na lalaki sa bayan ng Pamplona, Cagayan dahil sa pag-iingat ng hindi lisensyadong mga baril.
Ayon kay PCAPT Jessie Alonzo mula sa Cagayan Provincial Intelligence Unit, nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa dalawang kalalakihan na may mga tinatagong baril sa Barangay Biduang.
Agad nilang bineripika ang ulat at nang matiyak ang impormasyon, nagsagawa ng search warrant ang mga awtoridad at napatunayan nga na may hawak silang mga hindi lisensyadong baril.
Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang klase ng baril gaya ng isang caliber 45 na may maraming bala at isang shotgun na may demagazine, pati na rin ang mga bala nito.
Ayon sa mga kapitbahay ng magkapatid, tuwing sila ay nag-aaway, inilalabas umano nila ang kanilang mga baril dahilan upang magpanic at matakot rin ang mga ito.
Sa ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa illegal possession of firearms ang dalawang suspek.