
Nasamsam ng mga awtoridad mahigit P4.4 million na halaga ng iligal na sigarilyo sa Luna Extension, Ugac Norte, Tuguegarao City kahapon.
Ayon sa pulisya, nagsagawa ng paghalughog ang mga pulis sa isang bahay sa nabanggit na lugar sa bisa ng search warrant.
Sa operasyon, nakita ang iba’t ibang brand ng mga sigarilyo na walang graphic health warnings.
Bukod dito, nadiskubre din ng mga operatiba ang isang nakatagong silid sa loob ng bahay, kung saan may nakuha na iba pang kontrabandong mga sigarilyo.
Sa kabuuan, umaabit sa 5,576 reams ng mga sigarilyo ang nakumpiska.
Inaresto din ng mga awtoridad ang isang babae na kinilalang si alyas “Wilma,” 28 anyos, residente ng nasabing lugar.
Ayon sa pulisya, tinutugis na ang dalawa pang kasamahan ng babae na sangkot sa pagbebenta ng mga iligal na sigarilyo.
Samantala, nagbabala si PCOL Mardito Anguluan, director ng Cagayan Police Provincial Office laban sa sangkot sa pagpasok, pag-iimbak, at pagbebenta ng mga iligal na sigarilyo.










