Ipinahayag ng Malacañang ang pagiging bukas nito sa panukalang isinusulong ni House Majority Leader Sandro Marcos na naglalayong bigyan ng libreng kuryente ang mga pamilyang may mababang konsumo ng enerhiya.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, kasalukuyan nang ipinatutupad ng administrasyong Marcos ang katulad na programa para sa mga benepisyaryo ng 4Ps na hindi lumalampas sa 50-kilowatt hour ang buwanang konsumo.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Castro na kailangan pang dumaan sa masusing pag-aaral ang mga probisyon ng bagong panukala.

Kabilang sa mga susuriin ng Palasyo ang magiging epekto nito sa ekonomiya at kung anong ahensya o sektor ang sasagot sa gastusin sakaling tuluyang maisabatas ang programa.

Naniniwala ang Palasyo na bukod sa tulong pinansyal, maaari ring maging mitsa ang panukala upang mahikayat ang mga Pilipino na magtipid sa paggamit ng elektrisidad.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, tiniyak ni Castro na kailangan ang balanse at maingat na pagsusuri bago ito tuluyang lagdaan ng Pangulo.