
Nagbabala ang Department of Health (DOH) nitong Sabado, Pebrero 22, hinggil sa banta ng measles at rubella outbreak sa Mindanao dahil sa dami ng mga batang hindi pa nababakunahan.
Ayon sa ahensya, tinatayang 520,645 na bata na may edad limang taon pababa ang wala pang proteksyon laban sa mga naturang sakit.
Binigyang-diin ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na ang mababang antas ng pagbabakuna ay nagpapataas ng panganib ng mabilis na hawaan at pagkakaroon ng outbreak sa rehiyon.
Batay sa datos ng DOH, 82% lamang ng target na populasyon ang nabakunahan sa katatapos na Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) nitong Biyernes, malayo sa 95% coverage na kailangan upang makamit ang herd immunity.
Ipinaliwanag ni Herbosa na ang hindi pagkakaabot sa vaccination targets sa mga nakalipas na taon ang nagpalobo sa bilang ng mga batang bulnerable sa sakit.
Dahil dito, muling nanawagan ang kagawaran sa mga magulang na makiisa sa routine immunization ng gobyerno.
Sinuportahan naman ng Imam Council of the Philippines ang kampanya ng pamahalaan at nilinaw na ang pagbabakuna ay hindi labag sa mga aral ng Islam.
Ayon sa konseho, mahalaga ang pag-preserba sa buhay at kalusugan ng bawat tao, kaya dapat ilapit ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga vaccination center.
Anila, ang pagdarasal ay dapat samahan ng konkretong aksyon para sa proteksyon ng pamilya at ng buong komunidad.










