Patay ang isang 15-anyos na binatilyo habang sugatan ang anim pang menor de edad matapos mabangga ang sinasakyan nilang mga motorsiklo ng dalawang lasing na rider sa national highway ng Brgy. Toran, Aparri, Cagayan noong October 12, 2025.

Batay sa ulat ng pulisya, galing sa Buguey ang grupo ng mga kabataang sakay ng tatlong motorsiklo at nag-iikot sa lugar. Habang binabaybay ang kalsada, sinalpok sila ng motorsiklong minamaneho ng mga lasing na lalaki mula Toran, Camalaniugan.

Nasawi rin ang 28-anyos na rider habang sugatan naman ang 25-anyos na backride nito, na kapwa residente ng Toran, Camalaniugan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis ang pagpapatakbo ng suspek na nasa ilalim ng nakalalasing na inumin.

Nilinaw ng pulisya na walang kakasuhan sa nasabing insidente dahil sa pagkamatay ng suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa mga kabataan na iwasang lumabas sa gabi, at sa mga motorista na huwag magmaneho nang lasing o mabilis upang maiwasan ang trahedya.