Maninirahan na ngayon ang 31 pamilya na mula sa Agta tribe sa mga konkretong bahay na may kumpletong pasilidad sa Santa Marcela, Apayao.

Ang 50 housing units na ito ay bahagi ng pabahay project ng National Housing Authority (NHA) para sa mga pamilyang naapektuhan ng matinding kalamidad, partikular na ang mga nawalan ng tirahan dahil sa nagdaang malalakas na bagyo sa hilagang Luzon.

Nabatid na karamihan sa mga benepisyaryo ay dating naninirahan sa mga bahay na yari sa kawayan at kugon.

Ang bawat unit ay nagkakahalaga ng mahigit P300,000, kung saan kabuuang P16 million ang inilaan para sa pabahay at P4 million naman para sa sementadong daanan at pasilyo ng proyekto.

Nabigyan din ng kuryente ang bawat tahanan ng Agta families, maliban pa sa mga food packs, kasuotan, at mga gamit sa kusina.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Mayor Evelyn Martinez, mas marami pang proyektong ilalaan para sa Agta community, kabilang ang pagpapatayo ng water system at Child Development Center para sa preschoolers.

Dagdag pa ni Mayor Martinez, ang pabahay na ito ay isang hakbang upang maiangat ang kalidad ng buhay ng mga Agta at mabigyan sila ng mas maayos at mas ligtas na tirahan

Pinasalamatan din niya ang NHA, Sangguniang Bayan, at iba pang ahensya na nagtaguyod sa proyekto para sa indigenous community.