Pagkakalooban ng Department of Education (DepEd) ng 30-araw na flexible vacation ang mga guro upang mapagaan ang kanilang mga gawain.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng bakasyon na magbigay ng pagkakataon sa mga guro at mag-aaral na magpahinga kasama ang kanilang pamilya pagkatapos ng academic year.
Maaaring ma-avail ang bakasyon ng mga guro mula April 16 hanggang June 1, 2025, na maaaring kunin ng tuloy-tuloy o hati-hati.
Kasama rin sa bakasyon ang mga guro mula sa Alternative Learning System at Arabic Language and Islamic Values Education.
Sa panahong ito, hindi kinakailangan ng mga guro na lumahok sa anumang aktibidad na may kinalaman sa Performance Management Evaluation System (PMES).
Hindi rin sila obligadong sumali sa mga summer training at professional development programs.
Kung pipiliing dumalo ng mga guro, makakatanggap sila ng karagdagang Vacation Service Credits bukod pa sa 30 araw na bakasyon.
Nilinaw naman ng DepEd na hindi sakop ng pribilehiyong ito ang mga school heads, dahil kailangan nilang tiyakin ang patuloy na operasyon ng mga paaralan habang bakasyon.