Hinikayat ni Commodore Jay Tarriela, Commander ng West Philippine Sea Transparency Group at tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea ang mga kabataan na makilahok sa mga makabuluhang talakayan sa mga isyung pang-seguridad gaya sa West Philippine Sea.
Kasabay ng isinagawang symposium sa Cagayan State University na dinaluhan ng nasa 500 mag-aaral mula sa ibat-ibang Unibersidad sa Lungsod, sinabi ni Tarriela ang kahalagahang maipaunawa sa mga kabataan ang ipinaglalaban ng Pilipinas sa West Philippine Sea na inaangkin ng China.
Sinabi ni Tarriela na ang yaman ng WPS ay para sa mga Pilipino at sa susunod pang mga henerasyon.
Dapat rin aniyang malaman ng publiko ang mga kongkretong hakbang ng pamahalaan hinggil dito, kabilang ang mga inisyatiba ng Pangulo sa pagpapalakas ng presensya ng Philippine Coast Guard sa teritoryo.
Kabilang na rito ang mga isinasagawang symposium sa paaralan na planong palawakin sa mas malawak na sektor ng lipunan at ang paglathala ng komiks na pinamagatang “Ang Mga Kwento ni Teacher Jun” na layong ipalaganap ang tamang impormasyon laban sa mga fake news na layong ilihis ang katotohanan sa isyu ng WPS.
Naniniwala si Tarriela na kapag natutunan nang husto ng mga kabataan ang kahalagahan ng usapin, magkakaroon ito ng epekto sa kanilang desisyon mula sa pagboto, pagbili at maging sa pananaw na tumulong para magkaisa ang bansa na lubos na maipagtanggol ang West Philippine Sea.