Nanawagan ang mga lokal na opisyal ng Kalayaan, Palawan sa Senado na alisin sa opisyal na tala ang pahayag na nagmumungkahi ng pagsuko sa Kalayaan Island Group (KIG).

Kinumpirma ni Vicente Sotto III na natanggap na ng kanyang tanggapan ang resolusyon at kasalukuyan itong sinusuri upang matukoy ang tamang proseso. Aniya, maaaring mangailangan ng hiwalay na hakbang dahil ang nasabing pahayag ay ginawa sa pagdinig ng Commission on Appointments.

Sa naturang hearing, sinabi ni Rodante Marcoleta na dapat isuko ang KIG dahil umano’y hindi ito saklaw ng exclusive economic zone ng bansa. Gayunman, kalaunan ay binawi ng senador ang kanyang pahayag at sinabing ito ay na-misinterpret.

Iginiit naman ng mga opisyal ng Kalayaan na hindi maaaring isuko ang anumang bahagi ng kanilang teritoryo, at tinawag ang pahayag na isang “historical error” na nararapat itama.

Samantala, kamakailan ay ginawaran ng West Philippine Sea Heroes Award ang tinaguriang “Kalayaan 16” bilang pagkilala sa kanilang matibay na paninindigan laban sa umano’y agresyon ng China sa West Philippine Sea. Mayroon ding ilang mambabatas na naghain ng resolusyon upang kilalanin ang mga residente ng Kalayaan bilang Outstanding Filipinos of 2026.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na tinatalakay ang usapin sa Senado at sa lokal na pamahalaan, na kapwa naninindigang dapat ipagtanggol ang KIG bilang bahagi ng soberanya ng Pilipinas.