TUGUEGARAO CITY-Negatibo sa Coronavirus Disease 2019 (covid-19) ang mga miembro ng 8th City Council ng Tuguegarao at ilang opisyal na nagkaroon ng exposure kay CV 1799 na si Councilor Winnoco Abraham.

Una rito, Oktubre 3, 2020 nang magkaroon ng pagpupulong ang mga opisyal ng pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao para talakayin ang mga protocols at guidelines sa pagpapatupad ng MECQ sa kalungsuran.

Dahil dito, agad silang kinuhanan ng Covid 19 specimen kasama sina Mayor Jefferson Soriano at Vice Mayor Bienvenido De Guzman kung saan negatibo ang resulta ng kanilang swab test.

Maging ang 16 na kasama sa bahay ni Councilor Abraham ay negatibo rin sa virus.

Nakatakda namang sumailalim sa pangalawang swab test si Abraham bukas, Oktubre 15, 2020.

-- ADVERTISEMENT --

Pumayag naman ang opisyal na isapubliko ang kaniyang pagkakakilanlan para mapabilis ang contact tracing sa mga nakasalamuha nito.

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng City Government ang publiko na sumunod sa mga inilatag na health protocols para makaiwas sa naturang nakamamatay na virus.