TUGUEGARAO CITY-Nahuli sa isinagawang hot pursuit operation ng kapulisan ang dalawang lalaki na nanloob sa isang mini grocery na pagmamay-ari ng retiradong pulis sa bayan ng Rizal, Kalinga.

Ayon kay police capt. Shamiral Banag, chief of police ng Rizal, kalinga, Setyembre 5 nang magpanggap na customer ang mga suspek na sina Jhaybee Sag Al at Joren Angbao kapwa 24-anyos at residente ng Brgy Lacnog.

Nang mapansin umano ng mga suspek na silang dalawa na lamang ang naiwang customer sa mini grocery na pagmamay-ari ni retired police Edgar Omli ay lumapit ang mga ito sa cashier at nagdeklara ng pagnanakaw.

Habang kinukuha ni Angbao ang pera ay sinakal naman ni Sag al ang cashier na si Krisha Bangaan kung kaya’t walang nagawa ang kahera.

Natangay ng mga suspek ang P20,000.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, agad nagsagawa ng follow up investigation at sa pamamagitan ng cctv sa lugar ay nakilala ang mga suspek na sanhi ng kanilang pagkahuli.

Aminado naman ang mga suspek sakanilang ginawa at muling narekober ang ninakaw na pera ngunit nabawasan na ito ng kulang kulang na isang libo.

Sa ngayon, nahaharap ang dalawa sa kasong pagnanakaw at violence against or intimidation of person.