
Simula sa Abril 1, 2026 ay kailangan nang magpresinta ng National ID ang mga benepisyaryo ng Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para makatanggap ng tulong pinansiyal.
Ayon sa DSWD, ang National ID o Philippine Identification System (PhilSys) ID na ang pangunahing kinikilalang identification card sa pagkuha ng pension payout.
Bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan na gawing primary identification ang National ID sa lahat ng transaksyon.
Sa ilalim ng batas, nagbibigay ang DSWD ng P1,000 buwanang ayuda sa mga senior citizen na edad 60 pataas, lalo na ang mga may sakit, kapansanan, at walang kakayahang magtrabaho.
Noong nakaraang taon, umaabot sa mahigit apat na milyong senior citizens ang nakinabang sa programa.
Pero, paalala ng DSWD, hindi lahat ng senior citizens ay kuwalipikado sa naturang ayuda.
Para lamang ito sa mga walang natatanggap na pensyon, walang regular na kita, hindi nanunungkulan sa barangay, at nakarehistro sa community-based monitoring system.










