Nagsampa ng reklamo ang National Bureau of Investigation-Alaminos District Office (NBI-ALDO) laban kay dating Mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo sa Department of Justice (DOJ) dahil sa kasong falsification.

Ayon sa reklamo, nahaharap si Guo sa tatlong kaso ng falsification of public documents kaugnay ng tatlong deed of sale ng mga ari-arian na kanilang nakuha sa Sual, Pangasinan. Sa proseso ng pag-aari ng mga nasabing properties, sinabi ni Guo na siya ay si Alice Guo at isa siyang Filipino citizen, ayon kay Ferdinand Lavin, tagapagsalita ng Task Force Alice Guo, sa isang panayam.

Ngunit, sa kanilang imbestigasyon, natuklasan nila na hindi siya si Alice Guo, kundi si Guo Hua Ping. At hindi siya isang Filipino citizen, kundi isang Chinese citizen, dagdag ni Lavin.

Ayon pa kay Lavin, humihiling ang NBI ng forfeiture o pag-agaw sa mga ari-arian ni Guo.

Si Guo, na kilala rin bilang Guo Hua Ping, ay nahaharap din sa isang kasong qualified trafficking sa isang korte sa Pasig, isang kasong graft sa isang korte sa Valenzuela, at isang kasong material misrepresentation sa isang korte sa Tarlac. Maghahain din ng kaso laban sa kanya ang mga awtoridad ukol sa money laundering.

-- ADVERTISEMENT --

Isang quo warranto petition ang isinampa laban kay Guo sa isang korte sa Maynila, gayundin ang isang petisyon upang ipawalang-bisa ang kanyang birth certificate sa isang korte sa Tarlac.

Nahaharap din si Guo sa isang reklamo ng tax evasion, at isang kasong perjury at falsification sa DOJ.

Pinabulaanan ni Guo ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Samantala, sinabi ni Lavin na naghain din ang NBI ng reklamo laban sa mga empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) dahil sa paglabag sa Anti-Human Trafficking Act kaugnay ng operasyon ng Zun Yuan Technology, na siyang nagpapatakbo ng raided POGO sa Bamban