
Patuloy na nakatatanggap ang National Bureau of Investigation (NBI) ng mga bagong impormasyon kaugnay sa posibleng kinaroroonan ng negosyanteng si Atong Ang.
Ayon kay NBI–National Capital Region Chief Atty. Joel Tovera, may ilang impormasyon na ang kanilang na-validate mula sa iba’t ibang lugar sa bansa, kabilang na ang ilang bahagi ng Visayas.
Dagdag pa niya, halos araw-araw ay may mga natatanggap silang tip sa pamamagitan ng hotline, na agad namang inaaksyunan ng ahensya upang matunton at maaresto si Ang.
Sinusuri rin ng NBI ang isang text message na nagsasaad na maaaring nasa ibang bansa na si Ang simula pa noong Disyembre.
Binigyang-diin naman ng ahensya na handa silang makipag-ugnayan sa mga international authorities para sa koordinasyon at beripikasyon sakaling makumpirmang nasa labas na ng bansa ang puganteng negosyante.
Matatandaang nauna nang sinabi ng whistleblower na si Julie Patidongan, na kilala rin bilang Totoy, pati na ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na posibleng nasa Cambodia o Thailand si Atong Ang.










