TUGUEGARAO CITY- Iniimbestigahan na ng Anti-Cyber Crime Group ng PNP Region 2 ang isang netizen na nagpakalat ng fake news sa social media ukol sa covid-19.
Sinabi ni PCOL James Cipriano, director ng ACCG na ipinakalat ng nasabing netizen na may isang pasyente sa isang private hospital sa lungsod ang positive sa covid-19 na nagdulot umano ng panic sa iba pang pasyente sa ospital.
Ayon kay Cipriano, kung mapapatunayan ay sasampahan nila kaso ang netizen pagkatapos ng Enhanced Community Quarantine dahil mayroon umano silang witness.
Idinagdag pa ni Cipriano na nagsasagawa na rin sila ng tracing sa iba pang netizen na nagpapakalat ng fake news sa social media.
Ayon sa kanya, may binuo na silang anti-cyber crime monitoring team na tumututok sa mga social media platforms.