
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na suplay ng langis ang bansa sa gitna ng tensyon sa Middle East matapos na magsagawa ng pag-atake ang Estados Unidos at Israel sa Iran.
Sinabi ni Marcos na may stockpile ang bansa ng gasolina, fuel oil, at kerosene.
Una rito, sinabi ng Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na posibleng tumaas ng hanggang P10 per liter ang presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa US-Iran conflict.
Sinabi ni DOE-OIMB director Rino Abad, kapag umabot sa USD20 ang pagtaas sa bawat bariles ng langis, posible ang P7 hanggang P10 per liter ang pagtaas ng langis sa bansa.
Ayon sa kanya, sa ngayon, ang pagtaya nila ay tumataas na ang presyo sa unang araw ng trading ng P5 hanggang P10 per liter ang impact ng unang trading pa lang ng adjustment ng MOPS.
Samantala, sinabi ni Abad na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Transportation (DOTr) at Department of Agriculture (DA) para sa posibleng paglalabas ng fuel subsidies.
Ayon sa kanya, ipapatupad ang fuel subsidies kung aabot sa $80 per barrel sa loob ng isang buwan.









