Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nakadepende sa magiging aksyon ng Senado ang muling pagbabalik ng tiwala ng publiko sa institusyon kasunod ng mga naging tensyon at gulo sa Senado nitong mga nakaraang linggo.

Sa press briefing sa Malakanyang, iginiit ni Castro na hindi saklaw ng Pangulo ang mga hakbang para maibalik o mapanatili ang kredibilidad ng Senado, kundi nasa mga senador mismo umano ang responsibilidad upang maibalik ang kumpiyansa ng taumbayan.

Ayon pa sa kanya, ang mga isyung kinakaharap ng Senado ay dapat resolbahin sa loob mismo ng institusyon sa pamamagitan ng maayos na pag-uusap at pagkilos ng mga mambabatas.

Binigyang-diin din ni Castro na handang makipagtrabaho ang administrasyon sa sinumang lider ng Senado basta’t nakatuon ang kanilang mga hakbang para sa kapakanan ng mamamayan.

Samantala, nang tanungin ukol sa susunod na pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC at sa target na maipasa ang 21 priority bills ng administrasyon bago matapos ang Hunyo, sinabi ni Castro na wala umanong isyu sa panig ng Pangulo, ngunit hindi nila masisiguro kung hanggang saan ang kakayahan ng Senado sa kasalukuyang sitwasyon.

-- ADVERTISEMENT --