
Nagsasagawa na ng beripikasyon ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa ulat na isang Pilipino ang namatay sa front lines na nakikipaglaban para sa Russia sa kasalukuyang giyera sa Ukraine.
Batay sa report ng Military Intelligence ng Ukraine, isang Filipino national na kinilalang si John Patrick ang namatay habang nakikipaglaban kasama ang Russian forces sa Kramatorsk District sa Donetsk region.
Sa statement na inilahad sa Telegram, ang lalaki ay nagsilbi sa 9th Battalion, 283rd Regiment, 144th Motorized Rifle Division sa 20th Combined Arms Army ng Russian military.
Nakasaad na ang nasabing Filipino national, tulad ng ibang foreign fighters, ay namatay sa tinawag nilang “meat assault” o mga pag-atake sa Ukrainian position na may mataas na bilang ng mga namatay.
Ayon sa DFA, wala pa silang nakukuhang kumpirmasyon sa nasabing report ng Ukraine.
Nagsimula ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine buhat noong Pebrero ng taong 2022, nang maglunsad nga malawakang invasion sa Ukraine.










